MANILA, Philippines – Patay ang dalawang drug suspects habang sugatan ang isang pulis sa engkwentro sa isang palengke sa Bongao, Tawi-Tawi.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina alyas “Jay” at alias “Nasir.”
Nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Bongao Municipal Police Station at 1405th Regional Mobile Force Company matapos makatanggap ng report sa bentahan ng illegal na droga na nagaganap sa palengke.
Sa ulat ay nagpaputok ng baril ang mga suspek sa operating team, dahilan para gumanti na rin ng putok ang mga ito.
Sa palitan ng putok ay dito na napatay ang dalawang suspek habang tinamaan at sugatan naman ang pulis na si Patrolman Abdulmijir Usman Kali Jr.
Tinamaan ito sa kanang hita.
Narekober sa crime scene ang mga sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa P34,000 at dalawang caliber .45 pistols. RNT/JGC