
MANILA, Philippines- Sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Southern Police District-District Drug Enforcement Unit (SPD-DDEU) sa pakikipagtulungan sa District Intelligence Division (DID) at Muntinlupa police Substation 3 ay nadakip ang dalawang high-value individuals (HVI) na nakumpiskahan ng ₱2,040,000 halaga ng shabu Lunes ng madaling araw, Pebrero 25.
Kinilala ni SPD director PBGEN Manuel Abrugena ang mga nadakip na suspek na sina alyas Alice, 46, babae, negosyante, at isang alyas Alex, 44, seaman, kapwa residente ng Muntinlupa City.
Ayon kay Abrugena, naganap ang pag-aresto sa mga suspek sa isinagawang buy-bust operation ng DDEU bandang alas-2:10 ng madaling araw sa malapit sa isang hotel na matatagpuan sa kahabaan ng National Road, Barangay Alabang, Muntinlupa City.
Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspek ang tatlong knot-tied transparent plastic packs na naglalaman ng 300 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱2,040,000; isang Android mobile phone; isang kulay dilaw at berdeng ecobag na may tatak na ‘Çrocs’; ang ₱1,000 na nakapaibabaw sa 99 piraso ng tig-₱1,000 boodle money na ginamit sa operasyon; at iba pang drug paraphernalia.
Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para isailalim sa chemical analysis.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng SDEU ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), at Section 26 na may kaugnayan sa Section 5 (Conspiracy to Sell Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). James I. Catapusan