Home HOME BANNER STORY 2 kaanak ng ‘big boss’ ng POGO hub arestado sa Clark

2 kaanak ng ‘big boss’ ng POGO hub arestado sa Clark

MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang tatlong Chinese nationals sa Fontana Resort sa Clark, Pampanga kung saan dalawa sa mga ito ay kamag-anak ni Huang Zhiyang, isang puganteng Chinese na pinaniniwalaang big boss ng POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.

“Yung Bureau of Immigration, nag-issue ng mission order. The mission order is to look at Fontana to look at illegal aliens and undesirable aliens. So apparently, meron ng todo effort sila para makapagtago in fact, nakita sila sa mga sulok na madidilim nagtatago talaga,” sinabi ni Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Dr. Winston Casio.

Ayon sa PAOCC, kwestyonable ang mga dokumentong ipinakita ng mga suspek kaya agad na inaresto ang mga ito.

“May mga working visa, pero they are not working. May working visa, pero yung kanilang korporasyon kung saan sila nagtatrabaho, maliit na negosyo na hindi kayaya I-sustain yung visa nila,” ani Casio.

Dito na napag-alaman na isa sa mga naaresto ay pamangkin ni Huang Zhiyang habang ang isa pa sa mga suspek ay posibleng pinsan o kapatid nito.

Ilan sa mga ari-arian ni Huang dito sa Pilipinas ay nakapangalan sa pinsan o kapatid nito.

“We’re tightening the noose, pinaiikli na po natin yung mundo ng mga grupong nagpapatakbo ng POGO. Nawala na po sa kanila yung Bamban, nawala na yung porac, ngayon nawala na rin yung fontana,” pagbabahagi ni Casio.

Tumangging magbigay ng pahayag ang tatlong Chinese na kasalukuyang iniimbestigahan sa paglabag sa immigration laws ng Pilipinas. RNT/JGC