MANILA, Philippines – TIKLO ang dalawang lalaki na sangkot di-umano sa iligal na pagbebenta ng baril matapos ang isinagawang entrapment operation ng pulisya sa Caloocan City.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 32 (Unlawful Manufacture, Importation, Sale or Disposition of Firearms or Ammunition) at Section 28 (Unlawful Acquisition, or Possession of Firearms and Ammunition) ng R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition in relation to Omnibus Election Code ang mga naarestong suspek na sina alyas “Rodolfo”, 62, technician ng Brgy. 135, at alyas “Edilberto”, 45, jeepney driver ng Brgy. 145, kapwa ng Bagong Barrio, Caloocan City.
Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-11:20 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng Intelligence Section (IS) sa pangunguna ni P/Maj. John David Chua, katuwang ang Regional Mobile Force Battalion at Northern NCR Maritime Police ang entrapment operation laban sa mga suspek sa C-3 Road, Barangay 28 ng lungsod.
Nang tanggapin ng mga suspek ang P15,500 marked money na isang tunay na P500, kasama ang 15-pirasong P1000 pesos boodle money kapalit ng isang caliber 45 pistol na may magazine na may lamang dalawang bala agad inaresto ng mga operatiba ang mga suspek.
Bukod sa markadong salapi at binebentang baril, nakumpiska rin sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala at cellular phone na gamit ng mga suspek sa iligal na transaksyon. R.A Marquez