Home METRO 2 Korean arestado sa human trafficking sa Cebu

2 Korean arestado sa human trafficking sa Cebu

MANDAUE CITY, Cebu-ARESTADO ang dalawang Korean national sa isinagawang operasyon ng operatiba ng National Bureau of Investigation Cebu District Office (NBI-CEBDO) sa kasong human trafficking noong Linggo.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Tae Young Han, 51, at Yunyeong Kim, 28, at naninirahan sa isang condominium unit sa Barangay Mactan, Lapu-Lapu City.

Ayon kay NBI-CEBDO Agent-in-charge Arnel Pura, sinalakay ng mga operatiba ang tinitirhan ng mga suspek sa isang unit ng condo at huli sa akto ang mga itong nagla-livestream habang nagsasagawa ng malalaswang pagtatalik ang lalaking Korean national at babaeng Filipina.

Mapapanood ito sa kanilang Korean mobile application na eksklusibo lamang para sa kanilang mga subscribers.

Nakalagay sa itaas ng kanilang membership fee na kailangan lamang magbayad ng miyembro ng streaming fee kung nais nilang manood ng live show.

Sinabi ni Pura na alam ng mga upahang babae ang negosyo. Gayunpaman, binigyan sila ng mga maskara upang itago ang kanilang pagkakakilanlan kapalit ng bayad sa halagang ₱5,000.

Nabuko ang iligal na aktibidades ng mga suspek matapos tumestigo laban sa mga ito ang 19-anyos na kasintahan ng isa sa mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang ilang gamit sa online live streaming.

Sinabi naman ni NBI-CEBDO Senior Agent Atty. Niño Rodriguez na ayon sa impormante, naka-schedule ang live show depende sa demand at availability ng subscribers.

Sinabi ni Pura, dumating ang mga suspek sa bansa noong Setyembre 2023 at tourist visa ang gamit. Wala rin silang hawak na employment permit.

Dagdag pa ni Pura na nakatanggap sila ng impormasyon na may mga Koreano din sa Angeles City sa Pampanga sa kaparehong kaso at nag-ooperate din sila sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia.

“Naka-access kami sa unit, may live play ng sexual activities same with this group in Thailand, Timor Leste. Para silang nagbabahagi. Ang sindikato ay nasa Korea, ang mga satellite office ay nag-o-operate sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia,” ani Pura.

Nahaharap ngayon sa kasong qualified trafficking in persons sa ilalim ng section 4 ng republic act 1182 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 ang mga suspek. Mary Anne Sapico

Previous articleCOA inatasan sa Senado na magsagawa ng pre-audit sa lahat ng gov’t projects
Next articleIsa pang insidente ng pagkamatay ng PCG apprentice, iimbestigahan na ng NBI