MANILA, Philippines – Nasagip ng Taiwanese Coast Guard ang dalawang mangingisdang Pinoy mula sa Batanes matapos na mawala sa dagat na sakop ng Kaohsiung.
Ito ay makaraang makaranas ng engine failure ang bangka na sinasakyan ng mga ito dahil sa masamang panahon, noong Mayo 23.
Ayon kay MECO chairperson Silvestre Bello III, nakita ng mga crew ng fishing vessel na Man Sheng FA No. 6 ang sinasakyan ng dalawang Pinoy na palutang-lutang sa dagat dahilan para magpasaklolo na sila sa Taiwan Coast Guard.
Ang mga mangingisda ay kinilalang sina
Gerald Alarcado at Jenevis Alarcado, kapwa nasagip nitong Mayo 24 makaraang maglatag ng perimeter sa paligid ng bangka nito ang Taiwan Coast Guard.
Ani Bello, tumutuloy na sa isang shelter sa Kaohsiung ang dalawang mangingisda bago tuluyang pauwiin ng Pilipinas.
Isasailalim muna ang mga ito sa debriefing at ipoproseso ang kanilang mga dokumento.
“We are truly grateful to all the officers and men of Taiwan who helped in their rescue,” ani Bello. RNT/JGC