Home METRO 2 nasita sa paglabag sa ordinansa timbog sa baril

2 nasita sa paglabag sa ordinansa timbog sa baril

MANILA, Philippines- Swak sa selda ang dalawang lalaki matapos mabisto ang dala nilang baril makaraang masita ng mga pulis sa paglabag sa ordinansa sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan Police chief P/Col. Ruben Lacuesta, unang nasita ng mga tauhan ng Police Sub-Station 11 na nagsasagawa ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) ang 39-anyos na pintor na si alyas “Ef-Ef”, ng Bagong Silang habang nakaupo at naninigarilyo sa pampublikong lugar sa bangketa ng Bicol Area St. Brgy. 175 na isang paglabag sa umiiral na ordinansa ng lungsod.

Nang pinatayo siya ni P/Capt. Joel Pinon, team leader ng SS11, napansin nila ang nakasukbit na kalibre .38 revolver sa bewang ng suspek na walang kaukulang dokumento na dahilan ng kanyang pagkakadakip.

Bandang alas-11:35 naman nang sitahin ng pulisya ang tambay na si alyas “Angelito” 18, ng Bagong Silang, nang matiyempuhang umiihi sa pampublikong lugar sa Phase 4, Robis, Brgy. 176, na isa ring paglabag sa umiiral na ordinansa.

Nang hanapan ng identification card (ID) ng mga tauhan ni Col. Lacuesta ang binata para sa pag-iisyu sa kanya ng OVR, napansin ng pulisya ang nakasukbit sa kanyang bewang na isang paltik na pen gun na may bala ng kalibre .38.

Kapwa sinampahan ng kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa Caloocan City Prosecutor’s Office ang dalawang suspek. R.A Marquez

Previous article2023 revenue collection ng BOC lampas sa target
Next article‘Very high’ COVID-19 positivity rate naitala sa CamSur, Aklan