NEGROS OCCIDENTAL- PATAY ang dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makasagupa ang tropa ng pamahalaan nitong Martes, Nobyembre 8 sa probinsyang ito.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), nakasagupa ng mga tauhan ng 15th Infantry Battalion ang Communist Party of the Philippines (CCP) New People’s Army (NPA) guerilla front and Southwest front sa ilalim ng tinatawag nilang Komiteng Rehiyon Negros, Cebu, Bohol, at Siquijor (KR NCBS).
Kinumpirma ng militar na dalawang NPA ang nasawi sa serye ng engkwentro at narekober sa pinangyarihan ang iba’t ibang materyales pandigma, mga armas, Anti-Personnel Mines, ammunition, medical kits, personal na kagamitan at mga dokumento.
Sa pahayag naman ni Viscom Lieutenant General Benedict Arevalo, ang pinakahuling engkwentro na ito ng CPP-NPA ay lalong nagpapababa sa moral ng mga miyembro nito, habang patuloy na bumababa ang kanilang bilang, kanilang kakayahan, sandata at tuluyan na rin mawawala ang suporta ng mamamayan.
Naniniwala naman si Arevalo na tuluyan na nilang matatapos ang karahasan at matatalo ang teroristang grupo kaya hiniling niya sa mga natitira pang miyembro ng NPA na sumuko na sa pamahalaan.
Ayon sa AFP Viscom, may kabuuang 28 miyembro ng NPA ang na-neutralize. Bukod sa 61 na tagasuporta na hayagang tinuligsa ang kanilang suporta mula sa teroristang grupo. Mary Anne Sapico