Home NATIONWIDE 2 NPA rebels na napatay sa engkwentro sa Cagayan, tukoy na

2 NPA rebels na napatay sa engkwentro sa Cagayan, tukoy na

MANILA, Philippines – Tukoy na ang dalawang rebelde mula sa New People’s Army na napatay nang maka-engkwentro ang mga sundalo sa San Carlos, Gattaran, Cagayan noong Disyembre 23.

Ayon kay Major Rigor Pamittan, spokesperson ng 5th Infantry Division, ang mga nasawi ay nakilala sa pamamagitan ng mga miyembro ng kanilang unit na nauna nang sumuko.

Kinilala ni Pamittan ang mga nasawi na sina Maria Valencia, isang amazona mula Tatalon, Quezon City, at “Ka Jero” ng General Santos City.

“The real name of Ka Jero is subject for verification and validation,” ani Pamittan.

Nasa kustodiya ng Gattaran police ang katawan ng mga rebelde, habang ang militar ay nakikipag-ugnayan sa pamilya ng dalawang napatay na communist rebels.

Dahil dito, muling ipinanawagan ni Major Gen. Audrey L. Pasia, commander ng 5th ID, na sumuko na ang mga NPA rebel sa Cagayan.

Sinabi pa ni Pamittan na sisimutin ang mga natitirang NPA sa Region 2 o Cagayan Valley.

Noong araw ng Pasko, nasamsam ng 95th Infantry Battalion at 52nd Division Reconnaissance Company ang isang R4 rifle, isang M-16 rifle, bandoliers, medical paraphernalia, mga subersibong dokumento, at personal na pagmamay-ari ng NPA sa Barangay T. Elizaga, Gattaran. RNT/JGC

Previous articleBatas na nagpapalawak sa kapasidad ng 7 HEIs, tinintahan ni PBBM
Next articlePaghahanda sa Rizal Day