Home HOME BANNER STORY 2 paaralan sa Maguindanao sinadyang sunugin – Comelec

2 paaralan sa Maguindanao sinadyang sunugin – Comelec

MANILA, Philippines – Arson ang sanhi ng sunog sa dalawang paaralan sa Maguindanao na dapat sanang gagamitin bilang polling places sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election bukas, Oktubre 30.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na mayroon talagang tatlong magkakahiwalay na insidente ng sunog na nangyari sa Mindanao noong Sabado o dalawang araw bago ang Oktubre 30 BSKE.

Ito ay matatagpuan sa Barangay Ruminimbang, Barira sa Maguindanao del Norte; Barangay Poblacion, Dalican, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Sur; at Barangay Old Poblacion, Poona Piagapo sa Lanao Del Norte.

“‘Yung dalawang Maguindanao, lumalabas talaga na ‘yan ay arson. Ibig sabihin, sinadya talaga ‘yan. Dito sa Lanao del Norte, pinag-iimbestigahan pa dahil mukhang lumalabas naman na electrical connection ang problema do’n,” sabi ni Garcia sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Gayunman, iginiit niya na ang mga lugar na naapektuhan ng sunog ay hindi ang talagang gagamiting voting centers.

“Ang naging maganda lang doon sa pangit na balitang ‘yan, ay dahil itong mga nasunog na ito, hindi po ‘yun ang lugar kung saan iho-hold ‘yung mismong pagboto. Ibig sabihin doon sa compound ng eskwelahan, nagkamali ang nagsunog. Akala siguro ‘yun ang lugar kung saan boboto ang mga kababayan natin,” dagdag ni Garcia.

Sa kabila ng insidente ng sunog, inulit ni Garcia na ang halalan sa tatlong lugar ay magpapatuloy.

Sinabi pa ni Garcia na walang election paraphernalia ang nasira sa nangyaring sunog.

Dadagdagan din ang presensya at bilang ng mga pwersang panseguridad sa mga apektadong lugar.

Ang BSKE ay gaganapin sa Oktubre 30 mula 7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.

Kabuuang 294,007 ang puwesto para sa Sangguniang Barangay at 295,007 Sangguniang Kabataan posts ang mapupunan.

Samantala, mayroong 42,001 barangay sa Pilipinas, parehong bilang ng mga puwesto para sa barangay at SK chairpersons. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBarko sumadsad sa Romblon, mga tripulante nasagip
Next article10-wheeler truck, tumalon sa bangin sa Quezon