MANILA, Philippines- Patay ang dalawang indibidwal habang sugatan ang tatlong iba kasama ang ilang miyembro ng Tactical Motorcyle Riding Unit (TMRU) ng Manila Police District (MPD) nang magkaroon ng engkwentro sa kahabaan ng Recto Avenue Biyernes ng gabi.
Ayon kay MPD Director P/Brig.Gen.Andre Dizon, nagsasagawa ng checkpoint para sa Oplan Sita ang mga miyembro ng TMRU sa panulukan ng Rizal Avenue bago sumapit ang alas-10 ng gabi nang parahin ang isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki.
Habang binubusisi ng mga pulis ang kanilang dokumento ay pumapalag ang dalawang lalaki saka kinuha ng suspek ang baril saka nagpaputok sa mga pulis MPD.
Sa pagkakataong iyon, napilitang bumunot ang mga tauhan ng TMRU at nakisabay ng putok sa mga suspek.
Natuklasan ng mga pulis na bukod sa iregularidad sa motorsiklo ay wala ring dokumento ang kanilang mga baril.
Tinakpan din ng mga suspek ang ilang numero ng plaka ng kanilang motorsiklo na kaduda-duda.
Isang babaeng residente sa lugar ang nadamay sa insidente nang tamaan ng ligaw na bala sa ulo at idineklarang dead on arrival sa ospital.
Patay din sa engkwentro ang rider ng motorsiklo na tinamaan sa dibdib.
Nagtamo naman ng tama sa tiyan ang isa pang suspek na angkas ng motorsiklo na kasalukuyang ginagamot din sa ospital.
Maging ang dalawang pulis ay sugatan din.
“Dalawa po ang injured na member ng TMRU. ‘Yung isa sa may tenga, ‘yung isa sa may mata. Kasalukuyan po silang nasa ospital for medical attention po,” pahayag ng heneral.
Naniniwala si Dizon na posibleng may nagawang krimen ang mga suspek o kaya ay may gagawin pa lamang kaya ganoon ang kanilang naging aksyon.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng MPD hinggil sa naturang pangyayari. Jocelyn Tabangcura-Domenden