BORBON, Cebu- PATAY ang dalawang driver habang sugatan ang apat matapos magsalpukan ang kanilang mga sasakyan, kamakalawa ng umaga sa bayang ito.
Kinilala ang mga nasawi na sina Chad Alain Alforque, 48, driver ng aluminum wing van, nakatira sa Katipunan, Tisa Cebu City at Jerome Anciano, 28, driver ng motorsiklo, at taga-Argawanon, San Remegio, Cebu, habang sugatan ang kanyang misis na angkas na si Cristel Verdida Dejito, 27; ganun din ang pasahero ng wing van na si Ronito Dela Rama, 57, Sales agent, taga Kasambagan, Cebu City.
Ginagamot din sa ospital ang mag-asawang sakay ng Ford Ranger Pickup na sina Maria Chona Caballero, 31, driver, at mister nitong si Carlos Caballero, 57, kapwa taga Lawaan 1, Talisay City.
Batay sa report ng Borbon Police Station, dakong alas-6:00 ng umaga naganap ang insidente sa pakurbadang bahagi ng national highway na sakop ng Barangay Sagay ng naturang bayan.
Ayon kay Police Captain Derrick Rosales Inot, hepe sa Borbon Police Station, patungo ang wing van sa northbound direction para magdeliver ng mga produkto para sa sari-sari store habang ang Ford Ranger Pickup at motorsiklo ay patungo naman sa south direction, Cebu City.
Pagsapit sa pakurbadang bahagi ng nasabing lugar ay bigla na lamang nawalan ng preno ang wing van dahilan para mapunta ito sa kabilang linya at inararo ang motorsiklo at pick-up.
Agad naman dinala sa Sogod District Hospital ang mga biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga sina Alforque at Jerome.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico