DAVAO – Patay ang dalawang indibidwal matapos gumuho ang isang ginagawang tulay sa Sitio Kibakak, Barangay Malaba, Marilog District, Davao City noong Lunes.
Sinabi ni Foreman Dario Dispo, 42, ng Bojus Sun Builders & Supply Corporation na naglalagay ng side panel ang 10 manggagawa gamit ang boom truck na nakaposisyon sa gitna ng istraktura nang gumuho ang tulay bandang 3:30 ng hapon.
Pitong manggagawa ang na-trap sa pagguho ng tulay. Dalawa sa mga manggagawa ang nasawi na kinilalang sina Jay Bangonan, isang 22-anyos na mason, at Rolando Abing, isang 40-anyos na trabahador.
Dalawa pang manggagawa na malubhang nasugatan na sina Meljay Bero at Jonathan Dispo ang isinugod sa Kibalang Hospital para magamot.
Patuloy pa rin ang rescue operation para mapalaya ang tatlong natitirang trapped workers na kinilalang sina Cris Napao, 44-anyos na may asawang mason mula sa Balusong, Matina, Davao City, Jimboy Liga, 28-anyos na single boom truck operator mula sa Pagan Grande, Davao City, at Elmer Sayson, 44-anyos na may asawang foreman mula sa Banay-Banay, Davao Oriental. RNT