CALAUAG, QUEZON – PATAY ang isang rider at angkas nito matapos salpukin ng rumaragasang pampasaherong van ang sinasakyan nilang motorsiklo kahapon ng madaling-araw, Agosto 9 sa bayang ito.
Hindi na umabot pang buhay ng idating sa ospital ang mga biktimang sina Bobette Adoni, 35, driver ng motorsiklo at angkas nitong si Aldy Sollestre.
Tinugis naman ng pulisya ang driver ng pampasaherong van na kinilalang si Robert Marivalles, nasa hustong gulang, matapos mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Batay sa report ng Quezon-PNP, bandang 1:20 AM nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Maharlika Highway sakop ng Barangay Sumulong ng nasabing bayan.
Ayon kay Police Staff Sergeant Dennis Dulay, may hawak ng kaso, binabaybay ng mga biktima at suspek ang nasabing kalsada nang bigla na lamang humarurot ang suspek at nag-overtake sa kasunod nitong sasakyan.
Sa bilis ng pangyayari ay nasalpok nito ang sinasakyang motorsiklo ng mga biktima dahilan para tumilapon ang mga ito sa kalsada.
Agad naman isinugod sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin silang dead-on-arrival ng umatending doctor sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa kanilang ulo at katawan. Mary Anne Sapico