Home METRO 2 patay sa kuryente

2 patay sa kuryente

LAPUYAN, Zamboanga del Sur- Maagang binawian ng buhay ang isang binatilyo at kaibigan nito matapos mahawakan ang live-wire na nakalaylay sa daan noong Martes ng gabi sa bayang ito.

Kinilala ng mga nasawi na sina Ronjie Reynaldo Tuclos, 14-anyos at Florin Mangagot, kapwa residente sa Purok Sampaguita, Maruing, Lapuyan, Zamboanga Del Sur.

Batay sa report ng Lapuyan Municipal Police Station, bandang alas-6 ng hapon nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, inutusan ng kanyang ama si Tuclos na bumili ng diaper at bigas sa tindahan ilang metro ang layo sa kanilang tahanan.

Sinamahan ng kanyang kaibigan si Tuclos at habang naglalakad ay aksidenteng nahawakan ng huli ang live wire na nakakonekta sa residential electric post dahilan para magkikisay ito.

Dahil dito, tinulungan ni Mangagot si Tuclos pero maging siya ay nagkikisay na rin at dahil mataas na boltahe ng kuryente ang pumasok sa katawan ng dalawa ay agad na nalagutan ng hininga ang mga ito.

Natagpuan naman ang bangkay ng dalawa ng isang residente na si Basat Bentual Ongang Jr., 60, at ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang nasabing insidente.

Kaagad naman inayos ng barangay ang live-wire na nakabalandra sa kalsada para hindi na maulit pa ang nasabing insidente. Mary Anne Sapico

Previous articleLeche flan swak sa Best Custards in the World ng TasteAtlas
Next article100K trabaho sa energy sector malilikha – Labor chief