Home METRO 2 pekeng parak na tirador ng convenient store, nalambat sa Pampanga

2 pekeng parak na tirador ng convenient store, nalambat sa Pampanga

MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang holdaper na umano’y gumagamit ng uniporme ng parak at nag-ooperate sa Central Luzon, Rizal at Metro Manila sa ikinasang hot pursuit operation ng pulisya sa Pampanga.

Sa report kay Bulacan Police director PCOL. Relly Arnedo, ikinasa ang operasyon ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) kasama ang Plaridel police station statiion, Pampanga PIU at San Simon police bandang 5:45 ng umaga nitong Hunyo 27 sa Brgy. San Juan, San Simon.

Dahil dito, nadakma sa operasyon sa nasabing lugar ang dalawang suspek na may alyas Jam, 29 at Mar, 23 kapwa residente ng Brgy. Meysulao, Calumpit.

Ayon sa report, ang dalawang suspek ay sangkot sa panloloob sa 7-Eleven Convenient store sa Brgy. Tabang, Plaridel bandang 4:00 ng umaga nitong Hunyo 24, taong kasalukuyan.

Narekober sa operasyon ang green Honda CRV na may plakang ULB 777, apat na plaka, dalawang caliber 38, mga bala nito, apat na keypad cellphones, police patrol shirt, police bull cap, pair of GOA pants, reflectorized police vest, assorted groceries, P20,000 cash, cable tie plastic handcuffs, claw bar, sledgehammer at duct tape.

Sinasabing ang mga suspek ay sangkot sa serye ng robbery hold-up sa probinsiya ng Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Rizal at Metro Manila.

Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa Plaridel police station. Dick Mirasol III