Home METRO 2 senior patay sa sunog sa Capiz

2 senior patay sa sunog sa Capiz

ILOILO CITY – Dalawang senior citizen ang nasawi sa sunog sa isang residential area sa Roxas City, sa Capiz, nitong Martes ng hapon, Pebrero 27.

Kinilala ni Roxas City Mayor Ronnie Dadivas ang mga nasawi na sina Nestor Clarito, 67-anyos at Anita Villaruz, 66-anyos.

Sinabi ni Dadivas na nakulong sila sa loob ng kanilang mga tahanan at hindi nakatakas sa panahon ng sunog.

Sa inisyal na impormasyon na inilabas ng Mayor’s Office, sinabing mahigit 60 bahay ang nawasak at daan-daang residente sa Barangay 7 ang nawalan ng tirahan sa sunog na mabilis na kumalat dahil maraming bahay ang gawa sa light materials.

Gumawa naman ang alkalde ng command post sa Barangay 7 para bigyang-daan ang mga ahensya ng pamahalaang lungsod ang Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO), City Health Office (CHO), City Engineers Office (CEO), at Electrical Division – upang tulungan ang mga biktima ng sunog.

Dinala ang mga lumikas na residente sa Rufina Andrada Memorial School.

Ang pamahalaang lungsod ay namahagi ng pagkain at iba pang kinakailangang gamit sa mga biktima. RNT

Previous article8-anyos bangkay nang natagpuan sa sagingan
Next articlePagdami ng insidente ng pagnanakaw, carnapping sa Cavite, fake news!