MANILA, Philippines – Inilahad ng mga awtoridad na may nakita umano silang ebidensya na uminom ng isang “unknown drug” bago namatay, ang dalawang high school students sa Taguig City na napaulat na wala nang buhay mismo sa loob ng paaralan.
Ani Taguig City Police Director Colonel Robert Baesa, hindi pa nila tukoy kung anong uri ng droga ito dahil nagpapatuloy pa ang toxicology testing sa katawan ng dalawang estudyante.
Matatandaan na noong Nobyembre 10 ay natagpuang wala nang buhay ang dalawang babaeng estudyante sa loob mismo ng Signal Village National High School.
“Tuloy-tuloy pa rin po ‘yung investigation namin regarding the issue. We’re still waiting for the toxicology result and nagi-interview pa rin po kami up to now,” pahayag ni Baesa sa panayam.
“Kasi po mayroon po kaming nakuha dito na as evidence, na before that, mayroon po silang mga ininom na gamot,” dagdag pa nito, na tumutukoy sa usapan ng dalawang estudyante bago inumin ang naturang droga.
Ayon sa mga imbestigador, walang nakikitang “foul play” sa pagkamatay ng dalawang estudyante.
Sa kabila nito, patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya at Department of Education ang insidente. RNT/JGC