Home METRO 2 sugatan sa namaril na senglot

2 sugatan sa namaril na senglot

MANILA, Philippines- Sugatan ang isang isang babae at isang lalaki matapos masapul ng ligaw na bala nang walang habas na magpaputok ng baril ang isang fish porter sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Nakaratay sa Tondo Medical Center habang nilalapatan ng lunas ang tinamong tama ng bala sa kanilang katawan ang mga biktimang sina Erabel Esgana, 35, merchandiser at John Robin Gisalan, 20, student, kapwa ng Champaca St., Brgy., NBBS Proper.

Nahaharap naman sa dalawang bilang ng kasong Frustrated Homicide ang naarestong suspek na si Ruben Ilustrisimo, 28, ng 168 Brgy., NBBS Proper.

Sa report ni PSSg Allan Navata kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, dakong alas-12:10 ng madaling araw, habang nakikipag-inuman ang suspek sa kanyang mga kaibigan sa 134 Champaca St., Brgy. NBBS Proper nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga ito.

Matapos nito, kumuha ng shotgun ang suspek at walang habas na nagpaputok na naging dahilan upang tamaan ng bala ang mga biktima na mabilis namang isinugod sa nasabing pagamutan.

Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek subalit, naaresto naman siya ng mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 4 sa isinagawang hot pursuit operation at nakuha sa kanya ang isang 12gauge shotgun na may isang bala at isang basyo ng bala. Merly Iral/Boysan Buenaventura

Previous article4 patay, 2 sugatan sa aksidente sa motorsiklo
Next articleLotto Draw Result as of | December 26, 2023