Home METRO 2 suspek sa pagpatay ng street sweeper sa Taguig natukoy na

2 suspek sa pagpatay ng street sweeper sa Taguig natukoy na

MANILA, Philippines- Kinilala na ng Taguig City police ang dalawang suspek na bumaril at nakapatay sa isang babaeng street sweeper noong Biyernes ng umaga (Pebrero 16) sa tapat ng isang convenience store sa lungsod.

Sa report na isinumite ni Taguig Police chief P/Col. Robert Baesa sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang dalawang suspek sa mga alyas lamang na Eñaque, 36, at Byron.

Sinabi ni Baesa na ang pagkilala sa mga suspek ay nangyari matapos lumutang ang isang saksi na nagbigay ng mahalagang impormasyon sa Taguig City police Substation 2.

Ayon kay Baesa, si alyas Eñaque ay mayroong mga kinakaharap na kaso kabilang ang murder noong Setyembre 18 ng nakaraan taon; paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at PD 1602 (Prescribing Stiffer Penalties on Illegal Gambling) noong Disyembre 27, 2018; at robbery noong Enero 30, 2015.

Base sa salaysay ng lumutang na saksi, sinisisi umano ni alyas Eñaque ang biktimang si Jonna Liza Mendoza, 39, dahil sa pagkakaaresto ng live-in partner ng suspek na naging motibo nito sa pagpatay sa biktima na kanyang pinaghihinalaang isang police asset.

Matatandaang si Mendoza ay binaril at napatay ng dalawang suspek dakong alas-6:45 ng umaga nitong nakaraang Biyernes habang nakikipag-usap sa kanyang kasama sa trabaho sa harap ng Rizal Community Complex katapat ng 7-Eleven convenience store na matatagpuan sa panulukan ng Floraville at Magnolia Streets sa Barangay Rizal, Taguig.

Si Mendoza ay nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nagdulot ng kanyang agarang kamatayan.

Patuloy ang pagsasagawa ng follow-up operation ng Taguig City police para sa ikadarakip ng mga suspek na hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa ring malaya. James I. Catapusan

Previous articleDefense materiel procurement isasapinal na ng PH, Sweden
Next articleMarissa, nag-retire na bilang singer, ayaw nang magpakabalahura!