ILIGAN CITY – Binaha ang dalawang lungsod sa Hilagang Mindanao matapos ang malakas na pag-ulan nitong nakaraang tatlong araw, na nagresulta sa dalawang katao ang nasugatan.
Ang Barangay Mahayahay ay isa sa siyam na barangay sa lungsod na ito na binaha mula Martes ng gabi, batay sa talaan ng City Social Welfare and Development (CSWD) Office.
Iniulat ng OCD-10 na may inisyal na 790 indibidwal mula sa apat na barangay ang ipinadala sa mga evacuation center dahil sa baha.
Sinuspinde na ni Mayor Frederick Siao ang mga klase sa paaralan at bumisita sa mga evacuation center.
Samantala, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) 10 na nag-preposition ito ng standby fund na P4.3 milyon para sa lungsod na ito.
Samantala, sa Oroquieta City, Misamis Occidental, sinuspinde rin ni Mayor Lemuel Meyrick Acosta ang klase dahil sa pagbaha simula noong Lunes.
Nitong Miyerkules, humupa na ang karamihan sa tubig-baha sa mga pangunahing lansangan ng Oroquieta City. RNT