Home HOME BANNER STORY 2 tigok, 300K hagip ng malawakang baha sa S. Luzon, Vis-Min

2 tigok, 300K hagip ng malawakang baha sa S. Luzon, Vis-Min

MANILA, Philippines – Patay ang dalawang indibidwal sa malawakang pagbaha na tumama sa ilang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao at nakaapekto sa mahigit 300,000 indibidwal, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ayon sa isang situational report mula sa NDRRMC, ang shear line at low pressure area (LPA) ay nagdala ng sobrang pag-ulan sa Calabarzon (Region 4A), Bicol Region (Region 5), Western Visayas (Region 6), Eastern Visayas (Region 8), at Caraga (Rehiyon 13) na nakaapekto sa kabuuang 81,050 pamilya na binubuo ng 307,087 indibidwal.

Sa mga naapektuhan, mayroong 3,670 pamilya o 5,831 indibidwal ang nawalan ng tirahan dahil sa pagbaha. Nakatira sila sa 104 na evacuation center.

Sinabi ni Office of Civil Defense Region 8 (OCD-8) Director Lord Torracadio na dalawang indibidwal sa Eastern Visayas ang iniulat na nasawi dahil sa malawakang pagbaha sa rehiyon.

“Dalawa sa region ‘yung casualties but we cannot release pa po their names because under verification pa po ng MDM [Management of the Dead and Missing] Cluster natin under DILG [Department of the Interior and Local Government], ani Torracadio sa isang radio interview.

Sinabi ni Torracadio na patuloy pa rin ang pag-ulan sa bahagi ng Region 8 partikular sa Northern Samar, Samar, at Eastern Samar noong Miyerkules ng umaga.

Sa usapin ng pagbaha, sinabi ni Torracadio na may kabuuang 31 barangay sa mga munisipalidad ng Catarman, Lope de Vega, San Roque, Catubig, Palabag at Bobon sa Northern Samar; 29 na barangay sa Calbayon, San Jose de Buan at Gandara sa Samar; at 44 na barangay sa Jipapad, Arteche, Borongan, Canavid, Maydolong at Maslog sa Eastern Samar ang naapektuhan.

Upang matulungan ang mga residenteng naapektuhan ng pagbaha, nagsagawa ng search and rescue (SAR) operations ang Philippine Coast Guard (PCG) sa iba’t ibang lugar sa Region 8.

Sinabi ng PCG na nasa 80 pamilya na binubuo ng 400 indibidwal ang nailigtas sa mga lugar na madaling bahain sa Brgy. Macagtas, Brgy. Molave, Brgy. Yakal, Brgy. Narra at Brgy. Ipil-ipil sa Catarman, Northern Samar matapos ipatupad ang sapilitang paglikas ng lokal na pamahalaan.

Nagsagawa rin ng SAR operations sa mga munisipalidad ng Biri, Palapag, at San Jose sa Northern Samar.

Sinabi ng NDRRMC na nasa kabuuang P3.39 milyon ang halaga ng tulong na naibigay sa mga biktima ng baha. Santi Celario

Previous article2 bagyo posibleng bumayo sa Disyembre
Next articleComelec: Internet voting sa overseas Filipinos ipatutupad sa 2025