Home METRO 2 tiklo sa P225K shabu sa Pasay

2 tiklo sa P225K shabu sa Pasay

MANILA, Philippines- Naaresto ng mga tauhan ng Pasay City police Maricaban Sub-Station 7 ang dalawang drug suspects na nakuhanan ng halagang P225,000 halaga ng shabu Lunes ng gabi (Enero 22).

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. ang mga nadakip na suspects sa mga alyas lamang na Jomarie, 24, e-bike driver, miyembro ng Sputnik Gang at residente ng Barangay 178 Zone 19; at ang kanyang kapartner na si alyas Jaymie, 28, ng Barangay 179 Zone 19, Maricaban, Pasay City.

Ayon sa report na natanggap ni Mayames, naganap ang pag-aresto sa mga suspek dakong alas-7:10 ng gabi sa panulukan ng Saint Claire at Bernadeth Street, Barangay 178 Zone 19, Maricaban, Pasay City.

Bago naganap ang pagdakip sa mga suspek ay nakatanggap ng impormasyon ang Sub-Station 7 tungkol sa aktibidad ng ilegal na droga kaya’t agad na nagtungo ang ilan sa mga tauhan ng estasyon sa nabanggit na lugar.

Pagdating sa lugar ay agad namang inaresto ng mga operatiba ang mga suspek kung saan nakuha sa kanilang posesyon ang 44 pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 33.13 gramo na nagkakahalaga ng P225,284.

Sinabi ni Mayames na nakatuon ang Pasay City police station sa pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang kaligtasan at katahimikan ng bawat komunidad sa lungsod at ang matagumpay na operasyon ang nagiging resulta dahil sa kooperasyon ng mga concerned citizens at masigasig na paglilingkod ng mga nakatalagang pulis sa lungsod.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 (Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police. James I. Catapusan

Previous articlePCSO nanindigan sa integridad ng lotto draws
Next articlePBBM: Pagbati kay Taiwan Pres. Lai ‘common courtesy’ lang; One-China policy patuloy na kinikilala ng PH gov’t