MANILA, Philippines- Nasampolan sa umiiral na gunban ang dalawang hinihinalang holdaper, makaraang matimbog sa harap ng isang bahay sa Kapitan Tikong Street, Malate, Manila, nitong Miyerkules ng umaga.
Dahil dito, kapwa nahaharap sa kasong Robbery (Hold-up) at paglabag sa Republic Act 10591 Comprehensive Law on Firearms and Ammunition in relation to Omnibus Election Code (COMELEC Gun Ban) ang mga suspek na sina Jimboy Colinares, 32, kaanib ng Commando Gang at si Bryan Teologo, 26, kaanib ng Sputnik Gang, parehong binata.
Base sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, Commander ng Manila Police District-Malate Police Station 9, bandang alas-6:30 ng umaga nang matimbog ang mga suspek sa inilatag na follow-up operation ng kanyang mga tauhan sa nasabing lugar.
Una rito, nagpasaklolo ang isang 29-anyos na singer/manager ng isang restaurant nang holdapin ito habang naglalakad sa naturang lugar.
Tinutukan umano ito ng baril at saka sapilitang kinuha ang kanyang itim na wallet na naglalaman ng barangay ID, company ID at cash na P14,000.
Dahil dito, Huwebes ng umaga nang magr-eport ang biktima at agad na nagsagawa ng follow-up ang pulisya at matimbog ang dalawa subalit hindi nabawi ang mga nakulimbat ng mga ito. Rene Crisostomo