Home METRO 2 timbog sa ₱488K tobats sa hiwalay na buy-busts

2 timbog sa ₱488K tobats sa hiwalay na buy-busts

MANILA, Philippines- Sa pinalakas na kampanya ng Southern Police District laban sa illegal drugs, naaresto ng Taguig City Police ang dalawang lalaking suspek sa magkahiwalay na buy-bust operations, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mahigit ₱488,000 halaga ng shabu.

Pebrero 7, 2025, dakong alas-11 ng gabi sa Barangay Maharlika Village, Taguig City nang isinagawa ng mga pulis laban sa suspek na si alyas Fahad, isang security guard, ang pag-aresto at pagkumpiska sa nasa 51.7 gramo ng shabu na tinatayang nasa ₱351,560 ang halaga.

Nakuha ng mga awtoridad ang ₱500 buy-bust bill, 27 piraso ng counterfeit money, at dark blue pouch.

Si Fahad, isang High-Value Individual (HVI), ay nahaharap sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Sa hiwalay na operasyon, nadakip ng mga pulis ang suspek na si alyas “Jon-Jon,” 40-anyos na tricycle driver ng Barangay Rizal, Taguig City, dakong alas-2:30 ng umaga noong Pebrero 8, 2025.

Nakumpiska ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang siyam na heat-sealed sachet ng hininalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 20.2 gramo na may estimated street value ₱137,360.

Nakuha rin ng mga police ang genuine ₱500 buy-bust money.

Mga kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng R.A. 9165 ang inihahanda laban kay alyas Jon Jon sa Taguig City Prosecutor’s Office.

Kapwa binasahan ng kanilang constitutional rights ang mga suspek na nanatiling nasa police custody, habang ang nakumpiskang drug evidence ay dinala sa Southern Police District Forensic Unit para sa laboratory examination.

Ang police operations ay isinagawa sa ilalim ng pamumuno ni PCol Joey T. Goforth, Taguig City Chief of Police. Dave Baluyot