MANILA, Philippines- Dalawang drug suspects ang nadakip sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Station Intelligence Section (SIS) ng Muntinlupa City police Sabado ng umaga, Abril 20.
Sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Mark Pespes ay kinilala ang mga suspek sa mga alyas Datu Tolie, 33, at alyas Elenor, 41.
Ayon kay Pespes, naganap ang matagumpay na pagdakip sa mga suspek sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng SDEU at SIS dakong alas-5:43 ng umaga sa Barangay Sucat, Muntinlupa City.
Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspek ang 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱680,000 at ang buy-bust money na ₱1,000 na nakapatong sa counterfeit money na ginamit sa operasyon.
Ang mga nakumpiskang ilegal na droga, na gagamitin para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek, ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa qualitative at quantitative analysis.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Muntinlupa City police ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act Law ng 2002. James I. Catapusan