MANILA, Philippines- Inaresto ng National Bureau of Investigation-Anti-Violence Against Women and Children Division (NBI-AVAWCD) ang dalawang indibidwal dahil sa sekswal na pananamantala sa mga menor-de-edad online.
Mula sa Homeland Security Investigation Manila, ang NBI-AVAWCD ay nakatanggap ng impormasyon tungkol sa umano’y facilitator sa Pilipinas na nagpapadala ng mga malalaswang larawan at video ng mga menor-de-edad sa United States.
Agad na kumilos ang NBI-AVAWCD at nagsagawa ng entrapment operation sa bisa ng warrant Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD), na nagresulta sa pagkakaaresto kina Lynette Cruz y Solmia at Patuloy Dela Cruz y Roquero.
Katuwang ng NBI-AVAWCD, sa operasyon ang NBI-Counter-Terrorism Division (NBI-CTD), NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD), and Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Nasagip naman ang anim na menor-de-edad habang kinumpiska ang mga kagamitan ng mga suspek sa aktibidad.
Iniharap na sa inquest proceedings sa Department of Justice, Manila ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse o Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act, RA 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act, at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Jocelyn Tabangcura-Domenden