Bulacan – Patay ang isang binatilyo na umano’y aksidenteng nadulas at nahulog sa ilog sa bayan ng Hagonoy.
Kinilala ang kalunos-lunos na biktima sa pangalang “Jay Ay”, 16, binata, estudyante at residente ng Brgy. San Agustin.
Sa report, naganap ang insidente bandang bandang alas-2 ng hapon nitong Hulyo 29 sa isang ilog sakop ng Purok 3 sa lugar.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, naglalakad ang biktima at ang kanyang nakababatang kapatid na lalaki sa kalapit na ilog nang aksidenteng malaglag ito.
Dahil dito, agad na humingi ng saklolo ang nakababatang kapatid sa mga Barangay Tanod na rumesponde sa lugar kaya nakuha ang biktima.
Agad na dinala sa Emilio Perez Hospital ang biktkma subalit dead on arrival ito, ayon sa doktor.
Samantala, patay din ang 14 anyos na batang lalaking namimingwit na aksidenteng nadulas sa isang dam sa bayan ng San Miguel nitong nakaraang Miyerkules ng umaga sa kasagsagan ng bagyong Egay.
Nabatid sa report, dalawang araw ang lumipas ay nakuha ng mga kaanak ang bangkay ng biktima na lumulutang at inaanod sa isang ilog sa naturang bayan.
Payo ng kinauukulan sa publiko na iwasang pumunta sa mga ganitong lugar lalo na kung masama ang panahon at walang kasamang nakakatanda. Dick Mirasol III