Home METRO 2 tulak tiklo sa P476K shabu sa Laguna

2 tulak tiklo sa P476K shabu sa Laguna

MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang hinihinalang tulak ng shabu makaraang makumpiskahan ng halagang P476,000 sa isinagawang buy bust operation sa Barangay 2-C, lungsod ng San Pablo, Laguna.

Ang dalawang suspek na kapwa nasa high value individual sa talaan ng pulisya ay kinilalang sina “Alyas RR”, residente ng San Pablo City, Laguna at “Alyas Cha”, nakatira sa Sta. Cruz, Manila.

Sa report ni PCol Harold Depositar Provincial Director ng Laguna PNP kay PBGen. Carlito Gaces Regional Director ng PRO4 Calabarzon, ganap na alas-2:14 ng madaling araw nitong Sabado, Agosto 19 nang magsagawa ng anti-illegal drug buy bust operation ang pinagsanib na elemento ng Provincial Drug Enforcement Unit Laguna PPO (PDEU) at San Pablo City Police Station kung saan isang awtoridad ang nagpanggap na poseur buyer na humantong sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang pitong pirasong heatsealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang tumitimbang na 70 gramo at humigit kumulang sa halagang P476,000, kabilang sa narekober ang ginamit na buy bust boodle money, cash na P1,500, 2 cellphone at sling bag.

Nabatid sa ulat na ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa tanggapan ng Provincial Forensic Unit sa Sta Cruz, Laguna para sa isasagawang pagsusuri.

Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Ang pagkaaresto ng mga suspek na ito ay resulta sa mas pinaigting na kampanya ng Laguna PNP laban sa iligal na droga. Binibigyang babala ko rin ang ating mga kababayan na umiwas o wag masangkot sa pinagbabawal na gamot. Tutugisin namin kayo,” ayon kay PCol Depositar. Ellen Apostol

Previous articleMisteryosong pagkamatay ng mga baboy sa Palawan iniimbestigahan na
Next articleMissile attack ng Russia sa Ukraine kinondena ng UN