Home METRO 2 tulak tiklo sa P69K shabu sa Malabon

2 tulak tiklo sa P69K shabu sa Malabon

MANILA, Philippines – SELDA ang bagsak ng dalawang drug suspects kabilang ang 62-anyos na lolo na itinuturing high value individual (HVI) matapos madakip ng pulisya sa ikinasang buy-bust operation sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon Police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na sina alyas “Tom”, 62, HVI at alyas “Vinz”, 45, kapwa residente ng lungsod.

Base sa ulat na natanggap ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas kay Col. Baybayan, nagsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy-bust operation kontra kay “Tom” matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities nito.

Isang undecover pulis ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng shabu at nang tanggapin nito ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng droga ay agad siyang inaresto ng mga operatiba, kasama ang kanyang kasabwat na si “Vinz” dakong alas-8:45 ng gabi sa Ortega St., Brgy. Tonsuya.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 10.20 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P69,360 at buy-bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez