Home NATIONWIDE 20 pang gamot para sa ilang sakit exempted na sa VAT

20 pang gamot para sa ilang sakit exempted na sa VAT

MANILA, Philippines- Nag-endorso ang Food and Drug Administration (FDA) ng 20 pang mga gamot para sa cancer, hypertension at sakit sa pag-iisip upang ma-exempt sa value added tax (VAT), para maging abot-kaya para sa mga nangangailangan.

Sa abisong nilagdaan ni FDA Director General Samuel Zacate, 12 gamot para sa cancer, apat para sa hypertension at apat na iba pa para sa mental illness ang naidagdag sa listahan ng VAT-exempt health products, na magkakabisa sa Pebrero 19.

Kabilang sa gamot sa cancer ang 200 mg capsule ng Sonidegib (phosphate); 100 mg powder ng Pemetrexed (disodium heptahydrate); 20 mg at 40 mg tablets ng Asciminib (bilang hydrochloride); 75 mg,100 mg, at 125 mg tablets ng Palbociclib; 100 mg powder at 10 mg/mL solution para sa injection ng Pemeterexed (bilang disodium hemipentahydrate); 60 mg/1.5 mL concentrate para sa solution para sa injection ng Cabazitaxel; at 100 mg at 200 mg capsules ng Entrectinib.

Kabilang sa Hypertension medicines ang 100 mg/5 mg at 100 mg/10 mg tablets ng Losartan Potassium + Amlodipine (bilang besylate); at 300 mg/5 mg at 300 mg/10 mg tablets of Irbesartan + Amlodipine (bilang besylate).

Exempted din sa VAT ayon sa FDA ang 1.5 mg, 3 mg, 4.5 mg, at 6 mg capsules ng Cariprazine (hydrochloride) na gamot para sa may mental illnesses.

Noong Pebrero 5, sumulat si Zacate kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Comissioner Romeo Lumagui Jr. na nag-eendorso sa nabanggit na mga gamot.

Noong Enero 31, inaprubahan din ng BIR na ma-exempt sa VAT ang 21 na gamot para sa cancer, diabetes, hypertension, kidney disease, mental illness, at tuberculosis.

Malugod itong tinanggap ni Health Secretary Ted Herbosa at sinabing ito ay magiging kapaki-pakinabang para sa mga dumaranas ng mga karamdaman. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleInternationalization ng PH higher education pasisiglahin ng foreign ownership – EDCOMII
Next article348K aplikasyon naproseso ng Comelec sa pagbubukas ng voter registration