MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Department of Health (DOH) nitong Huwebes, Mayo 18, ng 2,014 bagong kaso ng COVID-19.
Dahil dito ay umakyat na sa 16,504 ang aktibong kaso ng sakit.
Ito na ang pinakamataas sa loob ng apat na araw at ika-15 sunod na araw na mahigit sa 1,000 ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 araw-araw.
Kasunod nito, umakyat naman sa 4,121,530 ang nationwide caseload at umakyat din sa 4,038,573 ang bilang ng mga gumaling sa 1,024 new recoveries.
Samantala, nananatili sa 66,453 ang death toll makaraang walang maitalang nasawi ang DOH.
Nananatiling ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo sa 9,848 kaso, Calabarzon sa 5,467, Central Luzon sa 1,834, Western Visayas sa 1,289 at Bicol sa 839.
Hanggang nitong Martes, nasa 20.9% ang national bed occupancy rate sa 5,332 kamang okupado at 20,187 na bakante. RNT/JGC