MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority ang pagpaplano para sa inaasahang matinding trapiko sa panahon ng holiday rush, sinabi ni MMDA Director for Traffic Enforcement Group Attorney Victor Nuñez sa isang pampublikong briefing ngayong Biyernes.
Kasama sa plano ang mahigpit na pagsubaybay sa mga pangunahing lansangan, tulad ng EDSA, C5, Balintawak, at Commonwealth Avenue, habang papalapit ang holidays.
Sinisikap din ng MMDA na palawigin ang oras ng trabaho ng mga field personnel hanggang hatinggabi sa darating na kapaskuhan upang matiyak ang kaligtasan sa kalsada kahit na sa mga late hours.
“Alam natin na maraming dumarayo dito sa Metro Manila during the Christmas season. We will do our best na magkaroon ng mga initiatives especially on traffic schemes kung ikabubuti namin,” ani Nuñez.
“Alam naman natin ngayon na pag maulan at rush hour ay hindi maiiwasan ang daloy ng trapiko. Kami po sa hanay ng MMDA [ay] patuloy na ginagawa ang aming makakaya para maibsan ang flooding at manage the traffic, especially pag malakas ang ulan during rush hours,” dagdag pa niya. RNT