MANILA, Philippines – KUMPIYANSA ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na muli nitong malalampasan ang target na kita ngayong taon, na mangangahulugan ng mas maraming pondo ang mapapakinabangan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga programa nito.
“We have adjusted our target for this year based on our performance last year. Pero kagaya ng nangyari noong 2022, we are hopeful na muli naming mahihigitan ito,” ani PCSO Chairman Junie E. Cua.
“More sales would mean more funds para matulungan natin ang mga kababayan natin sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng PCSO,” dagdag pa ni Cua.
Noong 2022, ang PCSO ay nagkaroon ng kabuuang nabuong gross receipts na P57,398,945,550.90 mula sa mga gaming products nito tulad ng Lotto, Digit Games, Small Town Lottery, Instant Sweepstakes, at Keno.
Nalampasan ng ahensya ang taunang target na benta nito na P46.1 bilyon ng 125 porsiyento.
Batay sa naturang performance, ang ahensya na naatasan sa iba’t ibang charity programs ng gobyerno ay nagtakda ng target nito para sa 2023 sa P53.23 bilyon.
Ang PCSO ay inatasang magbigay ng bahagi ng nabuong pondo nito sa Charity Assistance Programs at mandatoryong kontribusyon sa Universal Health Care Program, gayundin ang iba pang tulong sa mga institusyon ng gobyerno tulad ng Commission on Higher Education, Dangerous Drugs Board, National Council on Disability Affairs, at Philippine Sports Commission, bukod sa iba pa.
Sinabi ni Cua na ang buong ahensya ay nagsusumikap na lampasan ang kanilang target upang matulungan ang kasalukuyang administrasyon na makamit ang mga layunin ng serbisyong panlipunan.
“Nakikiisa ang buong PCSO sa administrasyon ni Pres. Ferdinand Marcos, Jr. at sa adhikain nitong maibsan ang kahirapan na dinaranas ng ating mga kababayan,” ayon pa kay Cua. RNT