MANILA, Philippines – Aprubado na sa House Committee on Appropriations ang P2.385 billion budget ng Office of the Vice President para sa 2024.
Ang mabilis na pag-apruba sa budget ng OVP ay naisagawa nang hindi narinig ang pagtutol ni Act Teachers Partylist Rep France Castro na una nang nagsabi na kanyang kukuwestiyunin si Vice President Sara Duterte sa paggasta ng P125 million confidential funds sa loob lamang ng 19 na araw noong Disyembre 2022.
Nang matapos ang budget presentation ni Vice President Sara Duterte ay agad na nagmosyon si Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos na ipasa ang budget.
“In line with the longstanding tradition of giving the Office of the Vice President parliamentary courtesy, I move to terminate the budget of Office of the Vice President,” pahayag ni Marcos.
Dito pa lamang ay nagpahayag na sina Kabataan Partylist Rep Raoul Manuel at Castro ng kanilang objection na hindi pinakinggan ng komite.
Ang mosyon ni Marcos ay agad na isinalang sa botohan ni Presiding chairman Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora at 21 committee member ang sumang ayon.
Hindi pinansin ni Zamora ang pagsasalita ni Castro at tinuloy pa rin ang naging botohan, bandang huli ay pinatayan na ng mikropono si Castro.
Sinabi ni Castro na bilang miyembro ng Minority Bloc ay dapat binigyan pansin ang kanyang interpelasyon at pagpapaliwanag ng kanyang “No” vote.
Ipinaliwanag pa ni Castro na si Duterte ang nagsabi na ipapaliwanag niya sa budget hearing ang naging paggasta sa confidential funds subalit nang matapos ang botohan ay agad din itong umalis kasama ng kanyang staff. Gail Mendoza