Home NATIONWIDE 204K posisyon sa gobyerno, bakante

204K posisyon sa gobyerno, bakante

MANILA, Philippines- Nasa 204,000 na permanenteng posisyon sa gobyerno ang nananatiling bakante.

Sa budget hearing sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, sinabi ng  Civil Service Commission (CSC) sa House Committee on Appropriations na “as of June 30” may 110,339 posts—o mahigit sa kalahati ng kabuuang bakanteng posisyon ay nasa national government agencies.

Ayon sa ulat, ang bakanteng posisyon sa local government units ay 65,867; government-owned and controlled corporations ay 12,131; state universities and colleges ay 7,959 at local water districts ay 7,758.

Kinuwestiyon kasi ni Zamboanga Sibugay First District Rep. Wilter Palma  ang dami ng government vacancies lalo pa’t may dalawang milyong Pilipino ang walang hanapbuhay.

“May I know why? Because we keep on saying you have to create jobs, and here we are, among the bureaucracy itself, you have 204,000 unfilled positions,” ang tanong ni Palma sa budget hearing ng CSC.

Sinabi naman ni CSC chairperson Karlo Nograles na isa sa dahilan ng maraming bakanteng posisyon sa gobyerno ay dahil sa pagpapalit ng liderato matapos ang 2022 polls, partikular na sa local government units.

“We leave it up to the heads of agencies and their respective HRs to fill those positions… There has always been that challenge, may unfilled positions pa rin po,” ani Nograles.

Tinukoy din ni Nograles ang iba pang dahilan gaya ng delay o naantalang paglalathala ng vacant posts at kakulangan ng kuwalipikasyon ng ilang aplikante kabilang na ang kawalan ng civil service eligibility.

Nang tanungin kung ang isang government department na may maraming vacancies ay papatawan ng parusa, sinabi ni Nograles na mabubuweltahan sila ng “indirect contempt.”

“But we don’t really use that unless halimbawa hindi sila sumusunod ‘pag may desisyon ang Civil Service… As far as filling up positions is concerned, we can only nudge,” ang pahayag ni Nograles.

Gayunman, ang pagsasabatas aniya ng gaya ng paglikha ng Human Resource Management Officer position sa bawat local government ay makatutulong na mapabilis na mapunan ang bakanteng posisyon sa trabaho.

“Minsan ang tendency, pagpalit ng bagong administrasyon sa local government units, palit na naman ng tao, so learning curve na naman…. Every three years lang ‘yan. So by the time na matutunan niya, eleksyon ulit, tapos baka mapalitan ulit,” pahayag niya.

“But if you have a permanent HR officer, ‘yung institutional knowledge, ‘yung know-how, nandyan, tuloy-tuloy. So hindi na papalit-palit ng HR officer sa local government units,” dagdag ng opisyal

Base sa CSC data, ang pamahalaan ay mayroong 1.75 million permanent employees, 221,325 non-career personnel, at  832,812 job order at contractual employees. Kris Jose

Previous articlePCG: Speedboat sa Zambo nagliyab!
Next articleMga estudyante, guro may 50% discount sa piling FIBA World Cup tickets – CHED