Home NATIONWIDE 21 sa 22 Pinoy na sakay ng MV Tutor nasagip

21 sa 22 Pinoy na sakay ng MV Tutor nasagip

MANILA, Philippines- Dalawampu’t isa sa 22 Filipino seafarer ng isang barko na inatake ng mga rebeldeng Houthi sa Red Sea ang nasagip, sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Sabado.

Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac nitong Sabado sa isang forum na iniligtas ng pinagsanib na dayuhang pwersa ang 21 Filipino seafarers mula sa barko, at sila ay isinakay sa barko ng security forces ship at dinala sa mas ligtas na daungan  bandang alas-10:30 ng gabi hanggang alas-11 ng gabi.

Tumanggi namang ibunyag ni Cacdac ang detalye sa kasalukuyang kinaroroonan ng nasagip na Filipino seafarers mula sa MV Tutor para sa kadahilanang pang-seguridad.

“But rest assured, the 21 Filipino seafarers are safe,” sabi ng Migrant Workers chief.

Kinondena ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs, ang pag-atake at nanawagan sa mga miyembro ng United Nations upang protektahan ang karapatang pantao ng mga marino.

Sa natitirang crew ng MV Tutor, sinabi ni Cacdac na nanatili ito sa loob ng abandonadong Liberia-flagged coal carrier.

“We are still searching for him… We were assured they will not stop in terms of locating our missing seafarer who is just within the ship,” sabi ni Cacdac.

Binanggit ng Reuters ang maritime sources at ang DMW na nagsasabing ang nawawalang crew member ay pinaniniwalaang nakulong sa engine room.

Inatake ng Houthis ang international shipping sa rehiyon ng Red Sea mula noong Nobyembre bilang pakikiisa sa mga Palestinian sa digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas.

Ang pag-atake malapit sa Yemeni port ng Hodeidah noong Miyerkules ay nagdulot ng matinding pagbaha at pinsala sa silid ng makina at hindi nagawang makamaniobra ng MV Tutor.

Sinabi ni Cacdac matapos ang kanilang pulong ng manning agency ng barko, ang MV Tutor ay hindi lumulubog at maaring ma-tow nang ligtas.

Ang Tsavliris Salvage Group ay itinalaga upang hilahin ang barko, na may dalang 80,000 tonelada ng karbon, ayon sa Reuters. Jocelyn Tabangcura-Domenden