MANILA, Philippines – Inihayag ng Southern Police District (SPD) na umabot sa 226 indibidwal ang inaresto habang P2.17 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa loob ng isang linggong operasyon ng mga operatiba mula Agosto 21 hanggang Agosto 27.
Sinabi ni SPD director P/Brig. Gen. Roderick Mariano na sa kabuuang 226 indibidwal na nadakip, 83 dito ay may kaugnayan sa kasong ilegal na droga na nakakumpiska ng 319.44 gramo ng shabu at 2.4 gramo ng marijuana na may kabuuang halaga na P2.17 milyon kung saan naaresto ang mga suspects sa Taguig at Paranaque.
Bukod sa mga nadakip na suspects na may kinalaman sa droga, 83 katao ang inaresto ng SPD sa ilegal na sugal at nakakumpiska ng P15,261.50 na tinatayang pera.
Nakarekober din ang SPD ng 14 baril at nakapang-aresto ng limang suspects kabilang ang isang miyembro ng notoryus na Kelly Calauad Dongalo robbery-holdup at carnapping criminal group sa Taguig.
Kabilang din sa mga nadakip ng SPD ay ang 55 wanted persons na kinabibilangan ng walong top most wanted, 14 iba pang most wanted persons, at 33 wanted persons.
“I want to thank the hardworking men and women of the Southern Police District for your unwavering dedication to enforcing the law and ensuring peace and order in our communities. These measures demonstrate our commitment to protecting our communities and combating the drug epidemic, and they send a clear message that illicit activities will not be permitted within the SPD’s authority,” ani Mariano. James I. Catapusan