MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nakapagbigay na ito ng P157 milyon na halaga ng ayuda sa 21,954 na Pinoy sa ilalim ng Medical Assistance Program (MAP) noong nakaraang Enero.
Ayon sa ahensya, ang pondo ay inilabas sa pamamagitan ng MPA sakop ang request sa fund augmentation for confinement, dialysis injection, cancer treatment, hemodialysis, laboratory, diagnostic, at imaging procedures, kabilang ang implant at iba pang medical devices.
Siniguro naman ni PCSO chairman Junie Cua nitong Lunes, Pebrero 13 na patuloy ang ahensya sa pagtulong sa mga mahihirap na Filipino sa kanilang pangangailangang medikal.
“Makakaasa po ang ating mga kababayan na patuloy tayong gumagawa ng mga paraan upang mas marami pang Pilipino ang ating mapaglingkuran,” sinabi ni Cua.
Ang PCSO na ngayon ay nasa ilalim na ng Office of the President, ay sangay ng pamahalaan na layunin ang makabuo ng pondo para sa iba’t ibang health programs, medical assistance at serbisyo at charities of national character. RNT/JGC