MANILA, Philippines – SABAY-SABAY nang binuksan ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang kanilang 23 pumping stations upang mabawasan na ang tubig-baha sa iba’t ibang lugar dito.
Anila, ito lamang ang nakikita nilang paraan upang mapababa o masawata ang baha na dulot ng malalakas at pabugso-bugsong ulan bunsod ng magkasunod na bagyong Egay at Falcon na sinabayan pa ng habagat.
Napag-alaman na dahil sa pagbubukas ng mga pumping stations na ito, bahagyang humupa at bumaba ang mga baha sa iba’t ibang mabababang lugar rito kaya’t passable na ang mga ito sa mga motorista partikular sa mga light vehicles.
Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay mayroon pa ring mga bahang lugar sa lungsod kagaya ng kahabaan ng G.Lazaro Street o sa harap mismo ng Valenzuela Emergency Hospital na umaabot ng hanggang baywang kaya’t maging mga malalaking sasakyan gaya ng truck ay hindi rin makadaan dito.
Baha pa rin sa ilang bahagi ng mga Barangay Dalandanan, Pasolo, Rincon, Polo, Isla, Arkong Bato at Malanday.
Hindi naman tumitigil ang Valenzuela LGU sa pagmo-monitor sa mga nabanggit na lugar upang agad na makaresponde sakaling kailanganin ng tulong.
Pinayuhan naman ang mga residente na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan habang may banta ng mga pag-ulan at pagbaha lalo na sa mga mabababang lugar. Merly Iral