MANILA, Philippines – Nasa kabuuang 232 small rice retailers sa Metro Manila ang makatatanggap ng P15,000 bawat isa para suportahan ang mga ito sa epekto ng pagpapatupad ng mandated rice price caps sa buong bansa.
Sinabi ng Malacañang nitong Sabado, Setyembre 9, mayroong tig-48 mula sa Quezon City at Caloocan City, at 136 mula San Juan City, ang nakatanggap ng cash assistance sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Upon the instruction of President Ferdinand R. Marcos Jr., the government started today the distribution of the PHP15,000 cash grant to qualified small rice retailers affected by the implementation of the mandated rice price ceilings nationwide,” saad sa pahayag ni Communications Secretary Cheloy Garafil.
Pinangunahan naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang distribusyon ng ayuda sa Commonwealth Market sa Quezon City kasama si Mayor Joy Belmonte.
Ang distribusyon sa Agora Market sa San Juan City ay dinaluhan naman nina Trade Secretary Alfredo Pascual at Mayor Francis Zamora, habang sina Local Government Secretary Benhur Abalos Jr., Caloocan 1st District Rep. Oscar Malapitan, at Mayor Dale Malapitan naman sa Maypajo Market.
“Small rice traders, who requested anonymity, said they are thankful to President Marcos for the financial assistance extended to them as they assured the government of their full cooperation in the implementation of the rice price caps,” ani Garafil.
Nakatanggap umano ang maliliit na rice traders ng pagsisiguro na tutulong sa kanila ang trade, agriculture at social welfare departments kasabay ng pagtaas ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Siniguro naman ni Gatchalian na patuloy na makikinig ang administrasyong Marcos sa mga pangamba ng micro retailers sa implementasyon ng mandated rice price ceilings sa ilalim ng Executive Order (EO) 39.
Pinasalamatan niya ang rice retailers sa kanilang pag-unawa at kooperasyon para rito.
“Pinararating din ng ating mahal na Pangulo ang kanyang mensahe na na-uunawaan niya ang inyong pinagdaraanan. Kausap ko nga ho siya kahapon at alam niya na hindi madali para sa mga small rice retailer natin mga panahon na ito,” sinabi niya sa mga rice retailers kasabay ng distribusyon ng cash grants.
Inaprubahan ni Marcos ang EO 39 sa rekomendasyon na rin ng Department of Trade and Industry at Department of Agriculture.
Sa ilalim nito, ang price ceiling ay nasa P41 kada kilo sa regular milled rice at P45 kada kilo sa well-milled rice na umiral na noong Setyembre 5. RNT/JGC