MANILA, Philippines- Sinabi ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na hindi pa maipatutupad ang 24-hour operation dahil hindi maaaring paiksiin o maantala ang nighttime maintenance activities para sa train line.
Inihayag ng Department of Transportation nitong Huwebes na ayon kay MRT-3 Director for Operations Oscar Bongon, posibleng makaapekto ang anumang pagkaantala sa scheduled maintenance sa ilang bahagi ng rail system para sa mga sunod na biyahe nito.
“Napaka-vital po nito kasi ito po ‘yung ating linya, dito po tumatakbo ‘yung mga tren natin. Ini- ensure natin na from the tracks to the signalling and then the power lahat po yan tsine-check natin para reliable ang ating operations at saka ‘yung safety nai-ensure natin na walang aberya sa revenue period,” paliwanag ni Bongon.
“Tayo po, iisa lang ang linya natin so we really have to maintain it. ‘Yun po ang kaibahan. Gaya sa Japan o Europe, marami silang linyang magkakasabay so pwedeng during nighttime na konti ang passenger demand, papatayin niya ang ibang linya at imaintain ‘yun at salitan ‘yun so they can operate 24 hours,” dagdag niya.
Base kay Bongon, kasama sa nighttime maintenance procedure ang routine inspection, cleaning, trouble-shooting, washing, shunting o uncoupling, at iba pang preventive activities.
Samantala, nilalayon ng MRT-3 aims na palawigin ang kasalukuyang three-car train system sa four-car trains upang makapagsakay ng mas maraming pasahero.
“Kasama yan sa kontrata ng Sumitomo na ‘pag natapos niya na ‘yung expansion pwede na tayong mag four-car train bago po matapos ang 2025,” ani Bongon. RNT/SA