Home NATIONWIDE 24/7 tulong ng DA sa local na magsasaka sa pagsasabatas ng RCEP,...

24/7 tulong ng DA sa local na magsasaka sa pagsasabatas ng RCEP, hirit sa Senado

118
0

MANILA, Philippines – Hiniling nina Senador Grace Poe at Chiz Escudero sa Department of Agriculture (DA) na kumilos ng 24/7 upang tulungan ang local na magsasaka sakaling maisabatas ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) free trade agreement na lubhang makakaapekto sa sektor ng agrikultura.

Sa magkahiwalay na pahayag, sinabi ni Poe na nagdadalawang-isip at kabado ang ating magsasaka sa RCEP dahil hindi sila makakapagkumpetensiya kung hindi sila tutulungan ng DA.

“Pero kung iisipin mo kasi ang benepisyo ng RCEP, makakapag-import tayo nang walang taripa sa ibang bansa, so kukuha rin sila sa atin. Kung may taripa ang ating ie-export, natural hindi sila kukuha sa atin, kukuha sila sa ibang bansa,” ayon kay Poe.

“At saka tayo na lang yata sa ASEAN na hindi pa sumasali diyan,” dagdag ng senadora.

Sinabi pa ni Poe na kailangan din natin umangkat ng input sa agrikultura na mas magiging mura tulad ng fertilizer at iba pang kailangan sa pagtatanim.

“Pero habang ginagawa natin ito, kailangan ang Department of Agriculture ay magbuhos ng pera sa ating magsasaka para makapagkumpetensya sila. Katulad ng pagkakaroon ng cold storage facilities,” giit ni Poe.

Inihalimbawa ni Poe ang nabubulok na ani dahil malalaking kartel ang nag-mamayari o nakakapagrenta ng cold storage facilities kaya nararapat na gobyerno ang gumawa ng maliliit nito para sa magsaaka at mibenta ang kanilang produkto na hindi nabubulok.

“Dapat ‘yan ang pagtuunan ng pansin ng Department of Agriculture at hindi tayo papayag sa RCEP na ‘yan hangga’t walang programa ang DA kung ano ang gagawin nila in the next 10, 20 years dahil ang RCEP naman may pagitan din ‘yan, hindi naman agad-agad ipatutuad yan. Merong moratorium period ‘yan so makakapaghanda ang magsasaka, kung papayagan natin ha; wala pang committee report, wala pang committee chairman,” ayon kay Poe.

Samantala, hiniling din ni Escudero sa pamahalaan na kahit mayroon o walang RCEP, dapat kumilos ang DA upang maging resilient at competitive ang local na magsasaka sa international market.

“Matagal ko nang panawagan sa pamahalaan na bigyan ng tunay na prioridad ang sektor ng agrikultura. With or without the RCEP in mind, we should make sure that our agricultural sector is resilient to any internal and external shocks. After all, we  are an agricultural country,” ayon kay Escudero.

Sinabi pa ng beteranong mambabatas na habang nagsasagawa ng pagdinig ang Senado sa RCEP Treaty para ratipikahan, dapat magsagawa ng mahusay at maingat na pagsusuri upang matiyak na mabibigyan ng proteksiyon ang ating sektor ng agrikultura.

“Mas lalo na kung tayo ay sasali sa RCEP kailangan nating siguraduhin na hindi madedehado ang ating industriya ng agrikultura, lalung-lalo na ang ating mga magsasaka at mangingisda,” aniya.

Kailangan din umanong tugunan ng pamahalaan ang kahinaan ng sektor ng agrikultura sanhi ng maliit na ipinupuhunan ng gobyerno sa local na magsasaka at mangingisda.

Aniya, dapat paglaan ng sapat na pondo ang farm sector tulad din ng pagpupunyadi ang Kongres na pagtibayin at pabilisin ang pagsasabatas ng panukalang lilikha sa kontrobersiyal na   Maharlika Investment Fund (MIF).

“In 2022 ang value of crop, livestock, poultry, fisheries production na P1.756 trillion, computed in 2018 constant prices, ay mas mababa pa sa P1.086 trillion production noong 2018,” paliwanag niya. “Kaya naman tumaas ng 28 percent ang presyo ng gulay, 25 percent ang presyo ng isda, 30 percent ang sa karne sa loob ng apat na taon.”

“Kung mas mahal pa ang isang kilo ng sibuyas kesa sa isang araw na minimum wage, anong pruweba pa ang kailangan ipakita na meron tayong food crisis ?” tanong ni Escudero. Ernie Reyes

Previous articlePBBM nanawagan sa Tsina: West Philippine Sea bilateral task force palakasin
Next article600 tsikiting binusog sa Las Piñas feeding program