BAUAN, Batangas – INILIKAS ang 248 na pamilya na apektado ng chemical spill sa Barangay San Miguel noong Sabado, sa bayang ito.
Base sa isinagawang land-based inspection na ginawa ng pulisya nangyari ang insidente sa pagkarga ng Solvent Naptha L sa Tank No. 5 na pag-aari ng isang kumpanya sa lugar.
Kumalas umano ang drain plug ng storage tank dahilan para bumukas ang control valve sa loob ng containment area hanggang sa natapon ang mga kemikal sa kanal ng tubig-ulan at kumalat sa coastal area.
Sinabi rin ng pulisya na humigit-kumulang dalawang drum ng Solvent Naptha L, na ginamit bilang additive sa mga pintura at thinner na produkto, ang natapon sa 6,000 metro kuwadradong lugar.
Ayon naman kay Marine Environmental Protection Group (MEPGRP)-STL-Batangas Police Lt. Precious Omalsa, napigilan naman lumawak pa ang pagkalat ng chemical spill dahil agad na nagsagawa ng paglilinis ang mga awtoridad sa mga apektadong baybayin.
Nagsagawa na rin ng follow-up coastal monitoring ang Philippine Coast Guard-Bauan Sub-station at MEPGRP sa apektadong lugar at unti-unting nawawala ang kemikal.
Ang response operation sa chemical spill ay tapos bandang alas-6 ng gabi. Walang naiulat na nasawi at dinala ang mga evacuees sa bukas na parking lot sa Barangay Bolo ng naturang lugar.
Nagpalabas naman ng abiso sa kumpanya para sa paglabag sa HPCG-Memorandum Circular 11-14 noong Disyembre 2014 sa mga pamamaraan sa pagtatapon ng basura at iba pang mapaminsalang bagay sa hurisdiksyon ng Philippine maritime./Mary Anne Sapico