MANILA, Philippines- Hindi bababa sa 25 Pilipino na biktima ng human trafficking at illegal recruitment ang nasagip sa Cambodia at kasalukuyang nasa government facility.
Ayon sa ulat, kinuha sila bilang scammers sa isang crypto farm.
Sinimulan ng mga opisyal ng Philippine Embassy na tuntunin ang mga manggagawa matapos magpasaklolo ng ilan sa kanila dahil hindi umano sila binabayaran ng kanilang employers.
Natuklasan ang kanilang kinaroroonan sa tulong ng isang informant.
“‘Yung tip was tra-transfer sila so dahil physically nilabas na sila nung mga bad employers nila from that facility ayun kaya interception yung nangyari, it was a chase kumbaga kaya na-intercept sila,” pahayag ni Consul General Emma Sarne, Philippine Embassy sa Phnom Penh, Cambodia.
Sinabi ng Embahada na lahat ng nasagip na Pilipino ay walanh Overseas Employment Contract (OEC) at hindi sumailalim sa legal na proseso. Nagpanggap umanong turista ang mga ito.
“‘Yung iba sinasabi may escort daw sila, yung mga iba sinasabi wala naman silang escort, yun yung mga dumadaan ng NAIA dahil sa paghihigpit nga,” pahayag ni Sarne.
Naglakbay naman ang iba mula Mindanao at tumawid sa Malaysia at Brunei, saka sumakay ng eroplano patungong Cambodia.
“‘Yung signature ko na-forge, yung seal ng embahada na-forge na, hindi lang ng Philippine Embassy pati na rin yung ibang embassies abroad, napepeke yung letter head, napepeke yung seals at signatures namin and nakakalusot. Masakit mang aminin nakakalusot kasi mukhang tunay,” ani Sarne.
Mula 2021 hanggang October 2023, nasagip ng mga awtoridad ang mahigit 200 Pilipino na ilegal na ni-recruit bilang scammers sa crypto farms sa Cambodia, ayon sa Philippine Embassy. RNT/SA