Home METRO 25 suspek arestado sa Bataan sa alleged diesel smuggling

25 suspek arestado sa Bataan sa alleged diesel smuggling

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang nasa 25 suspek sa Mariveles, Bataan dahil sa umano’y kaugnayan sa diesel smuggling.

Ayon sa ulat, pinangunahan ng Bureau of Customs (BOC) at National Bureau of Investigation’s Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI AOTCD) ang raid sa compound sa Barangay Alas-asin kung saan 26 na oil tanker ang natagpuan.

Pwersahang pinalabas ang mga drayber at pasahero ng naturang mga trak.

Pinaniniwalaang isang marine tanker ang nagdadala ng langis na nakitang umandar papalayo upang makaiwas sa raid.

Sinabi ng NBI na batay sa kanilang imbestigasyon at surveillance, ilang barko ang sangkot sa umano’y oil smuggling sa naturang compound.

“Doon sila sa laot muna. Siguro mga five sila doon, tapos by twos, dumadaong sila dito sa area, tapos makikita na natin ‘yung mga sunod sunod na pasok ng truck na ito’y talagang kaduda duda kasi ‘yung lugar is napakadilim,” ani NBI AOTCD Executive Officer Atty. Mark Santiago.

“Na-identify din natin ‘yung pinagdadalhan kasi ‘yung mga drivers at ‘yung mga pahinante ay kinunan natin ng mga sworn statements,” dagdag ni Santiago.

Aniya, ilan sa mga trak ay pumupunta sa Metro Manila, Tarlac at iba pang lugar.

Kumuha naman ang BOC ng oil samples mula sa mga sasakyan upang makumpirma kung anong mga item ang walang marker na indikasyon na ang mga ito ay ipinuslit.

Nasa 136,000 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P7 milyon ang nakumpiska.

Mahaharap sa smuggling charges ang mga naarestong indibidwal.

Pag-aalaran din ani Santiago, kung ang mga ito ay luambag din sa environmental laws.

Aniya, posibleng nawawalan ng bilyon-bilyong kita ang pamahalaan dahil sa oil smuggling ng grupo.

“Napakalaking problema ng ating gobyerno ito. Unang una, hindi sila nagbabayad ng duties. Kawawa rin ang mga negosyante na sumusunod sa batas. Kalaban nila itong mga ‘to na hindi nagbabayad,” paliwanag niya. RNT/JGC

Previous articleCanada, Japan kailangan ng Pinoy skilled workers
Next articlePNP naghihintay ng resulta sa paraffin, ballistic tests sa pagkamatay ni Ronaldo Valdez