Home METRO 250 pamilya apektado ng sunog sa Muntinlupa

250 pamilya apektado ng sunog sa Muntinlupa

MANILA, Philippines- Nasa 70 kabahayan na inookupa ng 250 pamilya ang naabo sa sunog na sumiklab sa isang residential area kung saan dikit-dikit ang mga istrakturang bahay na itinayo ng informal settlers, Biyernes ng umaga (Pebrero 23) sa Barangay Poblacion, Muntinlupa City.

Ayon sa Muntinlupa City Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa isang bahay sa Rizal Aplaya dakong alas-3:32 ng umaga na mabilis na kumalat sa mga istrakturang itinayo ng informal settlers.

Itinaas ng BFP ang unang alarma ng alas-3:35 ng umaga na nasundan ng pagtaas ng ikalawang alarma dakong alas-3:53 ng umaga.

Naapula ang sunog ng alas-5:04 ng umaga habang idineklara ang fire out ng alas-7:11 ng umaga.

Tinatayang nasa P350,000 ang napinsalang mga ari-arian sa sunog habang patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng apoy.

Wala namang naiulat na nasaktan o namatay sa sunog na nirespondehan ng kabuuang 33 fire trucks at dalawang ambulansya.

Pansamantalang nanunuluyan sa Poblacion Barangay Hall at Muntinlupa Evacuation Center ang may 1,000 indibidwal na naging biktima ng sunog kung saan namahagi ang Muntinlupa Department of Disaster Resilience and Management (MDDRM) ng mga tent sa mga pamilyang nasa evacuation center habang namahagi din ang Muntinlupa Social Services Department ng essential goods sa mga pamilyang nasunugan.

Samantala, sabay na bumisita sina Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon at Rep. Jaime Fresnedi sa mga naapektuhang residente ng sunog na inasistihan ni Barangay Poblacion Chairman Allen Ampaya kung saan nangako ang dalawang pinakamataas na opisyal ng lungsod na magbibigay ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga ito. James I. Catapusan

Previous articleAnibersaryo ng EDSA People Power ginunita sa kilos-protesta vs Cha-cha
Next articleEksperto nagbabala sa mga sakit na nakaamba sa gitna ng El NiƱo