Home METRO 253 magsing-irog ikinasal sa kasalang-bayan sa ‘Araw ng Maynila’

253 magsing-irog ikinasal sa kasalang-bayan sa ‘Araw ng Maynila’

MANILA, Philippines – BILANG bahagi ng pagdiriwang ng ika-453 taon anibersaryo ng “Araw ng Maynila”, pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang wedding rites nasa 253 magsing-irog sa ginanap na Kasalang Bayan sa lungsod ng Maynila.

Sa ginanap na reception, na itinaguyod ng pamahalaang lungsod, nanawagan si Lacuna-Pangan sa mga bagong kasal na ituloy-tuloy nila ang kanilang pagmamahalan at pinayuhan din nito ang mga tumayong sponsor na gabayan sila upang sila ay magkaroon ng matagumpay na pagsasama.

Sa pagsasagawa ng civil rites bilang city mayor, idiniin ni Lacuna ang pangangailangan para sa mga mag-asawa na maunawaan na ang kasal ay dapat pag-isipang mabuti at dapat silang maging responsable sa kanilang desisyon.

“Nais kong ipaunawa sa lahat ng narito laluna sa mga ikakasal na ang ganitong kasalan na ginagampanan ng isang Punong-Lungsod na awtorisadong tagapag-paganap ay ligal at balido. Sana ay tuloy-tuloy ang inyong pagmamahalan, at sa mga ninong at ninang, sana ay gabayan at tulungan ninyo ang mga bagong kasal nang sa gayon naman po ay maganda ang kanilang pagsasama,” ani Lacuna.

Samantala, binati rin ng alkalde ang mga taong nag-ambag sa jampacked at matagumpay na libreng serye ng konsiyerto na tinawag na “Tunog Maynila,” na dinaluhan ng libu-libong Manilenyo. Jay Reyes