MANILA, Philippines – Mahigit 250 residente ang inilikas mula sa dalawang barangay sa Sablayan, Occidental Mindoro nitong Miyerkules ng gabi, Agosto 9.
Ito ay dahil sa biglaang pagbaha dulot ng malakas na ulan dahil sa habagat.
Ipinatupad dakong alas-9 ng gabi ang pre-emptive evacuation ng 257 indibidwal o 73 pamilya mula sa Sitio Pandan, Barangay Claudio Salgado, at Barangay Tagumpay.
Ang dalawang barangay ay malapit sa West Philippine Sea.
Apatnaput siyam na pamilya o 181 indibidwal ang mula sa Sitio Pandan, Barangay Claudio Salgado ang tumuloy sa daycare evacuation center.
Samantala, umaga nitong Huwebes, Agosto 10, lahat ng 24 na pamilya o 76 indibidwal na inilikas sa Barangay Tagumpay ang nakauwi na sa kanilang mga tirahan nang humupa ang baha.
Tanging 30 indibidwal o 14 pamilya na lamang mula sa Sitio Pandan ang nananatili sa daycare evacuation center sa Claudio Salgado.
Matatandaang inilagay sa state of calamity ang Sablayan dahil sa epekto ng habagat na pinalakas pa ng bagyong Egay. RNT/JGC