MANILA, Philippines – Pumalo na sa 259 ang kaso ng rabies sa buong bansa ang naitala ng Department of Health (DOH) mula Enero 1 hanggang Setyembre 2,2023.
Ayon sa DOH, ito ay mas mababa kumpara sa naitalang kaso noong 2022 sa parehong panahon.
Sa nakalipas na anim na linggo, nakapagtala ng patuloy na pagtaas sa mga kaso makaraang makapag-ulat ng 29 na bagong kaso sa loob ng nakaraang apat na linggo.
Kabilang sa mga nakitaan ng pagtaas ng kaso ang National Capital Region, Regions I, III, IV-B, VII, IX, XII, at Caraga, na nag-ulat ng 1-3 kaso sa nakalipas na apat na linggo.
Para makaiwas sa rabies nanawagan ang ahensya sa publiko na kailangan ng tamang pagtugon sa sugat dulot ng kagat ng hayop habang kritikal ang pagpapabakuna ng mga alagang hayop .
Paalala ng DOH, napakaimportante na magtungo sa ospital o anumang bite centers kapag nakagat ng aso at huwag nang ipagwalang-bahala.
Karamihan umano sa mga biktima ng rabies ay malala na kapag isinusugod sa pagamutan.
Samantala, nakatakdang magsagawa ng libreng anti-rabies vaccination sa mga alagang aso at pusa ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa Setyembre 28 sa iba’t ibang lugar sa siyudad. Kasabay ito ng selebrasyon ng International Anti-Rabies Day.
Kabilang sa mga lugar na isasagawa ang bakunahan ay sa: District 1 – Brgy 103 (Malunggay St. Blk. 3, Magsaysay Village, Tondo; District 2 – Brgy. 166-176 (Rotonda, Bulacan Street), Tondo; District 3 – Brgy. 339 (1645 Felix Huertas Street, Sta. Cruz); District 4 – Brgy. 540 (526 Blumentritt Street, Sampaloc);
District 5 – Brgy. 770 (Oro-B, Sta. Ana); at District 6 – Brgy. 598 (Old Sta. Mesa Street, Sta. Mesa). (Jocelyn Tabangcura-Domenden)